Panimula
Muling inilalabas ng Bayan ang praymer na ito sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa layuning bigyang linaw ang papel ng nasabing kasunduan sa kontrobersyal na pagsadsad ng USS Guardian sa Tubbataha Reef noong Enero 17, 2013. Sa mga pahayag ng rehimeng US-Aquino, pilit nitong inaabswelto ang VFA sa pagkawasak ng di bababa sa 4,000 square meters ng pinangangalagaang bahura (reef) ng Pilipinas, na isang deklaradong World Heritage site. Wala naman daw ehersisyong militar sa Tubbataha, ani Aquino, kaya bakit sisisihin ang VFA. Simpleng paglabag lamang daw sa mga batas pangkalikasan ng bansa ang ginawa ng mga tropang Kano.
Pero hindi mangyayari ang pagkawasak ng Tubbataha Reef kung walang VFA na nagbibigay-daan sa paglalabas-masok ng mga sasakyang pandigma ng US sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ang isyung ito ay di lamang isyung pangkalikasan taliwas sa sinasabi ni Aquino. Isyu ito ng soberanya at dagdag na dahilan sa mahaba nang listahan kung bakit dapat nang ibasura ang VFA. Asahang lalo pang darami at titindi ang mga pang-aabuso ng tropang Kano sa ilalim ng sinasabing “pivot” o “rebalancing” sa rehiyong Asya Pasipiko ng rehimeng Obama. Ibabaling nito ang mas malaking presensyang militar ng US sa rehiyon, kabilang ang Pilipinas. Nararamdaman na ito ngayon sa pamamagitan ng mas dumadalas na diumano’y “port call” ng mga sasakyang pandigma ng US gaya ng sumadsad na USS Guardian.
Read more →















